Friday, November 2, 2012

"Open Letter" Para Sa Mga Mahal Kong Kababayan sa US

Sa mga mahal kong kababayan,

Nararapat lamang siguro na ako'y sumulat sa inyo at batid ko na ang sulat na ito'y napapanahon. Nakikiramay ako sa pagsalanta ng bagyong Sandy. At ilang araw na lang, eleksiyon na diyan sa Amerika. Ilang buwan na lang, halalan na ulit dito sa Pilipinas.

Malayo ang Pilipinas sa Amerika. Ang iba sa inyo'y nagbakasakali upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga pamilya niyo dito sa Pilipinas. Ang iba nama'y hindi na maiwan ang magandang trabaho at buhay na naghihintay, kaya't ang ilan nama'y yinaya na ang mga kapamilya nila riyan at tuluyan nang mamumuhay diyan. 

Sadya talagang malayo ang Pilipinas sa Amerika. At ang dalawang bansa'y may magkahiwalay na gobyerno, ngunit sa kabila nito, ang dalawang bansa ay nagtutulungan at nagkakaisa lalo na sa mga adhikaing pangkaunlaran, isama na ang pagkakaibigan. 

Malaki ang gampanin ng gobyerno at pamunuan ng Amerika sa buong mundo, at siyempre sa Pilipinas. May mga napupulot at natututunan tayo sa pinakamakapangyarihang bansa sa mundo. Naihatid niya sa atin ang "public school system" kung saan ang maralitang Pinoy ay nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral. Ipinamana at itinuro niya ang demokrasya, at ito'y tinatamasa natin ngayon at naisakatuparan sa kanyang pinakamataas na antas, kung hindi man isa sa pinakamataas sa mundo. Nariyan na rin sa mga naipamana sa atin ang liberalismo, materyalismo at sekularismo. Nahuhubog ang kamalayan ng isang Pilipino sa isang bagong kultura at pag-iisip. Nagkakaroon ng bagong pagkamulat sa ugali lalung-lalo na sa paggalang sa dignidad ng tao at pagrespeto sa kabanalan ng buhay ng tao.

Kaya't hinihikayat ko kayo, mga kababayan kong Pilipino. Pag-isipan po ninyong mabuti ang inyong boto. Nawa'y mapunta ito sa taong tunay na makakapag-angat sa ekonomiya ng Amerika, sa taong gumagalang at rumerespeto sa buhay niyo, sa buhay ko, at sa buhay ng mga susunod na henerasyon. Pag-isipan po ninyong mabuti ang inyong boto... Sapagkat ang impluwensiya ni Uncle Sam ay umaabot kay Juan dela Cruz

Maraming salamat po.

Gumagalang sa mga boto niyo,

Rowel Allan Rocaberte
Pinoy

No comments:

Post a Comment